Sa isang malayong kaharian, may isang prisesang tutubi na lubos na minamahal ng kanyang amang hari at inang reyna.
Nag-iisang anak lamang ang prinsesang tutubi kaya kung sino man ang mang aapi sa prinsesa ay talagang ipaglalaban ng buong kaharian ng tutubi. Ang prinsesa ay mahilig mamasyal at magpalipad lipad sa langit. Laging kasama nito ang kanyang mga alalay saan man magpunta.
Hanggang sa isang araw ay naisipan ng prinsesa na tumakas ng kaharian. Ibig kasi nitong malaman kung ano ba ang meron sa labas ng kanilang kaharian. Dali dali lumipad ang prinsesa nang hindi namamalayan ng kanyang mga alalay.
Maligayang maligaya ang prinsesang tutubi ng makatakas. Pakanta kanta pa ito habang lumilipad. Dahil libang na libang ito sa kanyang pamamasyal ay hindi na nito napansin ang pangingitim ng langit. Tila nagbabadya ang isang malakas na ulan. Kaya't ang prisesa ay dalidaling lumipad pabalik ng kaharian. Ngunit huli na ito dahil si prisesa tutubi ay inabutan ng malakas na ulan. Walang nagawa ang prisesa kundi sumilong sa mga puno.
Ngunit sa punong kanyang tinigilan ay marami pala ang nakatirang matsing. Hindi nagustuhan ng mga matsing ang pag silong ng prinsesa at ang mga ito ay inaalipusta pa si prinsesa tutubi. "Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kaniyang tuhod ang kaniyang mga mata." Saad ng isang matsing. Dahil sa galit ay umalis ang prinsesa sa puno kahit malakas pa ang ulan.
Nang makauwi ng kaharian ay agad itong nagtungo sa silid ng amang hari at isinumbong ang ginawa ng matsing. Galit na galit ang haring tutubi nang malaman ang isinumbong ng prinsesa kaya't agad nitong pinatawag ang mga kawal. Pinapunta nito ang mga kawal na tutubi sa mga matsing upang hamunin sa isang labanan.
Mabilis na lumipad ang kawal na tutubi at sinabi nito ang inutos ng hari na maglaban.
"Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha-ha!" Saad ng mga matsing na tinatawanan lang ang sinabi ng kawal na tutubi.
Gayunpaman ay tinanggap ng mga matsing ang hamon ng mga tutubi.
Kinabukasan ay nagkita ang grupo ng mga matsing at ang napakaraming tutubi sa gitna ng parang. Ang mga matsing ay may dalang kahoy na pamukpok. "Kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi" utos ng lider ng mga matsing.
Sa kabilang panig naman ay sinabi ng lider ng mga tutubi na dumapo sa ulo ng mga matsing at kapag may panganib ay lumipad palayo. Nagsimula ang labanan nang magsiliparan ang mga tutubi. Dapo at lipad ang ginawa ng mga ito laban sa mga matsing.
Ang mga matsing naman ay panay ang pukpok sa ulo ang ginagawa at hindi nila namamalayan na pinupukpok na nila ang kanilang mga sariling ulo. Nakita ng mga lider ng matsing ang mga pang yayari. Nagkamali sya ng utos. Gusto mang baguhin ang inutos ay huli na. Pinukpok ng isang matsing ang ulo ng lider.
Kaya't nang matapos ang laban ay nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantalang ang mga tutubi naman ay hindi man lang tinatamaan. Naipag higanti nila ang prinsesa at ang kanilang kaharian.